Dalawang pulis ang nalapnos ang balat at kinailangang dalhin sa ospital matapos sabuyan ng asido sa sinalakay nilang pagawaan ng pekeng titulo ng lupa sa Santa Cruz, Maynila.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing ginawa ang pagsalakay sa entrapment operation na isinagawa ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection (CIDG).
Ayon kay Police Major General Romeo Caramat Jr, CIDG Director, lumaban sa mga pulis ang mga suspek at ibang nagtatanggol sa mga ito na nambato ng mga botelya.
Ligtas na ang mga pulis na nasabuyan ng asido, sabi ng opisyal.
Isinagawa ang operasyon sa lugar dahil sa mga reklamong natanggap nila tungkol sa mga pekeng titulo sa nabiling lupa.
Dalawa ang naaresto ng mga awtoridad, at dalawa pa ang nakatakas.
Aminado naman ang dalawang suspek na gumagawa silang mga pekeng titulo ng lupa kapag may nagpagawa sa kanila.
Halos kompleto sa detalye ang pekeng titulo na nakuha mula sa mga suspek.
Sinabi naman ni Caramat na magsasagawa sila ng malalimang imbestigasyon para malaman kung sino ang mga sangkot dahil sa mga detalyeng nakalagay sa mga pekeng titulo.-- FRJ, GMA Integrated News