Nanindigan si Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. sa kaniyang hangarin na matuloy at magkaroon ng maayos na kauna-unahang Bangsamoro elections sa 2025. Ikinatuwa naman ng Mindanao solon ang matapang na pahayag ng pangulo laban sa sino mang nagpaplanong idiskaril ang halalan.
Sa paggunita ng 10th anniversary sa paglagda sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro sa punong himpilan sa 1st Marine Brigade sa Barira, Maguindanao del Norte, tiniyak ni Marcos ang pagkakaroon ng tapat, at maayos na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa 2025.
"Let this also serve as a warning to those who may plan to threaten and derail this election. Huwag ninyo na isipin 'yan dahil ang kakalabanin ninyo ay ang pamahalaan,'' saad ni Marcos sa kaniyang talumpati.
Hinikayat din ng pangulo ang mga mamamayan ng Bangsamoro region na gamitin ang kanilang karapatan sa pagboto ng kanilang mga lider sa darating na halalan.
''This is the fulfillment of your democratic right to realize and achieve meaningful autonomy as it is enshrined in the CAB. I urge you, safeguard your rights, empower yourselves,'' ani Marcos.
Noong March 2023, ipinasa ng Bangsamoro Transition Authority ang Bangsamoro Electoral Code, na nagbibigay daan sa pagkakaroon ng halalan para makapamili ng kanilang mga magiging lider ang mga mamamayan sa idaraos na local at regional elections.
Kasabay nito ang pagbuo ng mga political party sa rehiyon na kinakatawan ang mga kababaihan, kabataan, indigenous people, settler communities, traditional leaders, at mga ulama.
Unang itinakda ang kauna-unahang halalan sa Bangsamoro region noong May 2022 pero iniurong ito dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa isang pahayag, pinuri at pinasalamatan ni House Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman si Marcos dahil sa hangarin ng Punong Ehekutibo na isulong ang halalan sa rehiyon upang makapamili ang mga tao ng kanilang mga magiging pinuno.
“Malinaw na malinaw ang sinabi ni Pangulong Marcos: tuloy na tuloy na ang BARMM elections sa susunod na taon. His statement left no room for ambiguity. The people of the Bangsamoro will get an opportunity to exercise their democratic rights under the Constitution and under the Bangsamoro Organic Law,” ayon kay Hataman, na dati ring naging gobernador ng Autonomous Region for Muslim Mindanao, na pinalitan ng BARMM bilang bahagi ng usapang pangkapayapaan na nakapaloob sa Bangsamoro Organic Law.
“Natutuwa tayo na kinikilala ng Pangulo ang karapatan ng mga taga-Bangsamoro region na pumili kung sino ang mamumuno sa kanila. Napakahalaga sa puntong ito sa kasaysayan ng BARMM. This is the culmination of the people’s right to self-determination and self-governance that many fought for,” ayon pa kay Hataman.
Binigyan-diin ni Hataman ang kahalagahan ng darating na halalan sa BARMM sa 2025 upang mabigyan ng karapatan ang mga tao na pumili ng kanilang mga lider na bahagi ng isang demokratikong bansa.
“Walang tunay na demokrasya kung wala sa kamay ng mamamayan ang pagpili ng kanilang mga pinuno,” ani Hataman, na kamakailan lang ay nakipagsanib-puwersa sa dalawa pang partido sa Mindanao para sa idaraos na BARMM elections.
Ang tatlong partido ay Bangsamoro Peoples Party (BPP) ni Hataman, Al Ittihad-UKB Party ni TESDA Director-General Teng Mangudadatu, at dating Sultan Kudarat governor, at ang Serbisyong Inklusibo Alyansang Progresibo (SIAP) Party.--FRJ, GMA Integrated News