SULU SEA, Northeast Palawan—Nagpapatuloy ang multilateral maritime exercises bilang bahagi ng Balikatan 2024 sa pagitan ng Pilipinas, Amerika, at France.
Kanina, isinagawa ang cross deck landing o ang paglipad ng helicopter ng isang navy tungo sa kaalyadong navy.
Mula BRP Ramon Alcaraz, lumipad ang Agusta Westland helicopter ng Philippine Navy.
Lumapag ang helicopter sa kinaroonan namin na BRP Davao Del Sur para isagawa ang simulation ng isang casualty evacuation, o CasEvac.
May simulation din na ang scenario, kunwari mula sa ibang barko, inilipad naman sa aming barko ang isang sundalo para sa isang medical evacuation.
Sa unang pagkakataon, isang Airbus helicopter ng French Frigate na Vendemiare ang nag-touch and go sa BRP Davao del Sur, isa sa mga landing ship dock ng Philippine Navy.
Ayon sa commanding officer ng BRP Davao del Sur (LD62) na si Commander Marco Sandalo, pagpapakita ito ng kahandaan natin na tumanggap ng air assets ng ating mga kaalyado.
"It's very important sa atin na sanayin natin ito kasi since we have different aircraft. Kailangang mahasa 'yung ating flight deck crew, 'yung ating helicopter control officer, 'yung bridge natin para sa synchronized movement nu'ng aircraft at the same time ng ating barko," sabi ng skipper ng LD62.
Naki-isa rin sa cross deck landing exercise ang LSD Harpers Perry ng Amerika.
Mayroon ding pagsasanay na tinatawag na RAS, o replenishment at sea.
Sa RAS, puwedeng hatiran ang isang umaandar na barko ng supply gaya ng pagkain, tubig at krudo ng isang barko ng navy.
Magagamit sa WPS?
Tinanong si Commander Sandalo kung puwede bang gamitin ang kasanayang ito sa West Philippine Sea para mas tumagal sa laot, lalo na ang mga nagpapatrolyang floating assets ng Pilipinas sa ating mga teritoryo.
Maaari naman daw ito, ani Sandalo, basta't pag-igihin ang pagsasanay.
"Kakayanin po, but this requires training and, of course, 'yung mga movements ng ating mga barko during the conduct of replenishment at sea," ayon sa naval officer.
Mula rito sa Sulu Sea sa northeast Palawan, lilipat sa West Philippine Sea ang pagsasanay ng tatlong navies sa mga susunod na araw.
Agresibo ang China sa West Philippine Sea dahil inaangkin nila ang halos buong South China Sea.
Bagay na napatunayang imbalido matapos manalo sa arbitration ang Pilipinas sa international tribunal sa The Hague sa The Netherlands.
Labas sa territorial waters
Isa sa gagawin sa labas ng 12 nautical miles na territorial waters ng bansa ang maritime search and rescue.
Iginiit ni Sandalo na walang pinatutungkulang bansa ang kanilang pagsasanay, pero maigi raw na handa tayo sa anumang kaganapan kasama na ang pagtulong sa mga mangingisda.
"We are conducting 'yung training for different scenarios and, for the notional scenario, 'yung search and rescue is about how to help 'yung mga nangangailangan especially at sea," ani Sandalo.
Maraming pagkakataon na ring nakatanggap ng radio challenge ang mga barko ng Pilipinas mula sa mga barko ng Tsina.
Hindi raw ito magiging hadlang para ipagpatuloy ang maritime exercise kasama ang mga kaalyadong navy natin.
"We are always ready naman for the exercise this is, the exercise is not about any foreign aggressors o kung sino man ang mga threats na meron tayo sa West Philippine Sea. It's all about interoperability and, of course, improving capability and capacity between the different participants," ayon sa opisyal ng Navy. — VDV, GMA Integrated News