Ipinatigil muna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panghuhuli sa ilang electric vehicles gaya ng e-bikes at e-trikes na dumadaan sa mga national road sa Metro Manila.
Sa pahayag nitong Huwebes, inatasan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na bigyan pa ng palugit ang mga gumagamit ng e-bikes, e-trikes, at iba pang e-vehicles na pinagbabawalang dumaan sa mga national road sa Metro Manila.
"Kailangan pang magbigay ng sapat na panahon para sa malawak na pagsisiwalat ng impormasyon hinggil sa ban na ating ipinapatupad," sabi ni Marcos.
Hindi binanggit ng pangulo sa pahayag kung hanggang kailangan iiral ang ibinigay niyang palugit.
“Ang sakop ng grace period ay hindi pag-ticket, pag-multa, at pag-impound ng mga e-trike,” ani Marcos.
“Kung paparahin man sila [sisitahin], ito ay upang maayos na maituro ang mga kalsadang maaari nilang gamitin, pati na ang pagpapaalala ng mga bagong patakaran na ipinapatupad upang paigtingin ang kaligtasan at kaayusan sa mga lansangan,”dagdag ng pangulo.
Nitong Abril 15, epektibo na ang kautusan ng Metro Manila Council na ipagbawal ang mga e-bikes, e-trikes, at light e-vehicles (EVs) sa may 20 national roads sa Metro Manila. Kasama rin sa ban ang mga tricycles, kariton, pedicabs, at kuligligs.
Ang mga national road sa Metro Manila ay ang:
- Recto Avenue
- Pres. Quirino Avenue
- Araneta Avenue
- Epifanio Delos Santos Avenue
- Katipunan/C.P. Garcia
- Southeast Metro Manila Expressway
- Roxas Boulevard
- Taft Avenue
- Osmeña Highway or South Super Highway
- Shaw Boulevard
- Ortigas Avenue
- Magsaysay Boulevard/ Aurora Boulevard
- Quezon Avenue/ Commonwealth Avenue
- A. Bonifacio Avenue
- Rizal Avenue
- Del Pan/Marcos Highway/ McArthur Highway
- Elliptical Road
- Mindanao Avenue
- Marcos Highway
- Boni Avenue
- España Boulevard
Maaari namang tumawid sa naturang mga national road para makarating sa kabilang kalsada ang mga nabanggit na sasakyan sa ban.
Maaari ding gumamit ng national road ang mga tricycle kung hindi aabot sa 500 metro ang kaniyang biyahe papunta o galing sa U-turn slot para makatawid sa kabilang bahagi ng kalsada.
May multang P2,500 ang lalabag, ayon sa MMDA. Kung walang drivers license o hindi nakarehistro ang mga nabanggit na sasakyan, maaaring i-impound ang mga ito.— FRJ, GMA Integrated News