Nanindigan si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nitong Huwebes na hindi pasisindak at hindi matatakot ang mga Pilipino sa kabila ng "open, unabating, and illegal, coercive, aggressive, and dangerous attacks" ng China sa West Philippine Sea.
Sa isang pahayag, sinabi ni Marcos na magpapatupad ang mga kinauukulang ahensiya ng mga nararapat na hakbang kaugnay sa mga pinakahuling pangyayari sa karagatang sakop ng teritoryo ng Pilipinas na pilit inaangkin ng China.
"Over the succeeding weeks there shall be, implemented by the relevant national government agencies and instrumentalities, a response and countermeasure package that is proportionate, deliberate, and reasonable in the face of the open, unabating, and illegal, coercive, aggressive, and dangerous attacks by agents of the China Coast Guard and the Chinese Maritime Militia," ayon sa pangulo.
"We seek no conflict with any nation, more so nations that purport and claim to be our friends but we will not be cowed into silence, submission, or subservience. Filipinos do not yield," dagdag ng Punong Ehekutibo.
Sinabi rin ni Marcos na mayroon siyang "constant communication" sa mga kaalyado, kaibigan, at partner, mula sa international community.
"They have offered to help us on what the Philippines requires to protect and secure our sovereignty, sovereign rights, and jurisdiction while ensuring peace and stability in the Indo-Pacific. I have given them our requirements and we have been assured that they will be addressed," ayon sa pangulo.
Matapos ang masusing konsultasyon at mga rekomendasyon, sinabi ni Marcos na nagbigay siya ng direktiba sa mga pinuno ng national security and defense agencies.
Ginawa ni Marcos ang pahayag matapos ang pinakahuling insidente ng pambobomba ng tubig ng China Coast Guard sa barko ng Pilipinas na nagsasagawa ng resupply mission patungong Ayungin Shoal kung saan nakasadsad ang lumang barko na BRP Sierra Madre na nagsisilbing kampo ng mga sundalong Pinoy.
Dahil sa ginawa ng CCG, nagtamo ang matinding pinsala ang barko ng Pilipinas na gawa sa kahoy at tatlong miyembro ng Navy ang nasaktan.—FRJ, GMA Integrated News