Itinanggi ni dating Police Major Allan de Castro sa harap ng mga senador na may relasyon sila ng nawawalang beauty queen ng Tuy, Batangas na si Catherine Camilon. Pero hindi naniniwala rito ang mga senador.
Nitong Martes, dumalo na si de Castro sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate public order and dangerous drugs committee, kaugnay sa pagkawala ni Camilon mula pa noong Oktubre 2023.
Pangunahing suspek si de Castro sa pagkawala ni Camilon na huling nakitang naglalakad sa loob ng isang mall sa Batangas.
Sa isang ulat noong Nobyembre, sinabi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na inamin umano ni de Castro sa kanilang pagtatanong na may relasyon sila ni Camilon.
Ang pakikipagrelasyon kay Camilon, isang guro, ang sinabing dahilan ng pamunuan ng PNP kaya sinibak sa serbisyo si de Castro na mayroon nang pamilya.
Pero sa pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Senador Ronald dela Rosa, na dati ring PNP chief, mariing itinanggi ni de Castro na may relasyon sila ni Camilon.
“Nagsasabi po ako ng totoo, wala kaming relasyon, wala po,” giit ng dating pulis sa komite.
Bagay na hindi pinaniwalaan ni dela Rosa, “Nagsisinungaling ka sa harapan ko... I am not satisfied with your explanation.”
Dahil dito, hiniling ni Senador Robin Padilla sa pamamagitan ng paghahain ng mosyon na i-cite in contempt si de Castro dahil sa pagsisinungaling, na inaprubahan naman ni Dela Rosa.
Kaagad na inilagay ng Senate Sergeant-at-Arms si de Castro sa kanilang kostudiya.
Sa mga naunang ulat, lumilabas na si de Castro ang katatagpuin ni Camilon bago ito nawala. Hinihinala na nagalit ang suspek dahil ipinaalam ng biktima ang kanilang relasyon sa asawa ng pulis, at nais na nitong makipaghiwalay.
Nahaharap si de Castro sa reklamong kidnapping at serious illegal detention, kasama ang kaniyang driver-bodyguard na si Jeffrey Magpantay, at dalawang "John Does." —FRJ, GMA Integrated News