Nabisto ng mga awtoridad ang ilang underground tunnel, villa at mamahaling kotse sa ginawa nilang pagsuyod sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban, Tarlac. Natuklasan din nila ang daan-daang mga cellphone at SIM card na ginagamit umano sa samu't saring scam.
Sa ulat ni Saleema Refran sa Unang Balita nitong Martes, sinalakay ng mga operatiba ng gobyerno noong isang linggo ang malawak at malaking compound ng Sun Yuan Technology Inc.
Mayroon itong office buildings at dormitories, dalawang basketball court at central grocery. Nagkalat rin ang solar panels, at CCTV cameras kaya't mahigpit ang seguridad sa lugar.
Natagpuan din ang kumpulan na villas para umano sa mga matataas na opisyal at bisita. Hindi naman kalayuan dito ang isang Olympic-sized swimming pool.
Natuklasan daw ang mga umano'y ilegal na aktibidad sa lugar gaya ng iba't ibang scam, human trafficking, at illegal detention.
Bukod dito, may network din ito ng mga lagusan sa ilalim ng mga villa.
"Posible kasi na 'yung mga nakatakas ay dumaan po sa mga underground tunnels na 'yan. Meron kasing mga open na mga gates sa iba pang tunnels. Puwedeng doon sila nagtakasan," sabi ni Dr. Winston Casio, spokesperson ng PAOCC.
Napupuno rin ng magagarang muebles at mamahaling gamit ang mga villa. Makikita naman sa labas nito ang mga SUV at luxury cars.
Sa barracks sa kabilang gilid ng compound naman narekober ang daang-daang cellphones, gadgets at SIM cards na ginagamit umano sa scamming.
Nabisto rin ang studio na may equipment at mga peluka o wig para umano sa love scam.
"Siguro mga daang-daang cellphones na makikita mo diyan na nakakabit, mga SIM cards naman na puro fake ang identities. Love scam, romance scam, task scams, cryptocurrency scams," sabi ni undersecretary Gilbert Cruz, Executive Director ng PAOCC.
Nakausap din ng GMA Integrated News ang isang Malaysian na pinilit umanong maging scammer.
"They [are] already [in] love. They already continue [their] relationship, maybe boyfriends-girlfriends. Personal, how much they have? Like first, maybe about 50,000 [Chinese Yuan]," anang Malaysian.
Nasa likod lang ng mismong munisipyo ng Bamban ang malaking compound.
"Lahat po ng POGO, lahat ng IGL, o Internet Gaming License Operators, kinakailangan po magkaroon niya ng letter of no objection galing sa city council, municipal council. Dapat bago nag-release ng LONO (letter of no objection) 'yung munisipyo, dinobol (double) check nila, hindi lang double, I think triple or quadruple check. Kasi ngayon nga, nakita natin 'yung mga ebidensya ng scamming dito sa loob," sabi pa ni Casio.
Hindi ito ang unang pagkakataon na na-raid ang compound.
Sinalakay na rin ito noong Pebrero 2023 ng CIDG dahil sa operasyon umano ng cryptocurrency scam, ngunit sa Hong Sheng Gaming Technology pa, nakapangalan ng lisensya ng POGO.
Taong 2020 nang pumayag ang bayan ng Bamban sa pagtatayo ng amusement at gaming hub.
Sa ngayon, bantay sarado naman ng puwersa ng PNP ang compound habang patuloy ang pagsuyod sa mga gusali.
Inilipat na sa Pasay City ang mga dayuhang nahuli sa POGO hub. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News