Nasawi ang isang ginang sa Quezon City matapos siyang saksakin ng sarili niyang anak. Ang ugat umano ng krimen, ang pagtanggi ng biktima na bigyan ng pera ang suspek na mahilig daw magsugal.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Masambong.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nanghingi ng pera ang 39-anyos na suspek sa kaniyang ina pero hindi nagbigay ang huli.
“Nanghingi yung anak sa nanay niya ng certain amount of money pero di napagbigyan. So nung patulog na sila nung araw na 'yun nakarinig ‘yung isa pa sa mga anak ng biktima na humihingi ng tulong yung nanay,” áyon kay Police Lieutenant Colonel Jewel Nicanor, hepe ng Masambong Police Station.
“Nung puntahan sa kuwarto nila nakita niya yung nanay niya duguan at may hawak na patalim yung kapatid niya,” sabi pa ng opisyal.
Dinala sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay dahil sa mga tinamong saksak sa dibdib.
Inamin din umano ng suspek na hindi iyon ang unang pagkakataon na tinangka niyang saktan ang sarili niyang ina.
Hinala ng isa pang anak ng biktima, maaaring nagawa ng kaniyang kapatid ang krimen dahil sa pagkalulong nito sa pagsusugal.
Ayon kay Nicanor, naaresto na noong 2017 ang suspek dahil sa kasong illegal gambling.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek na nahaharap sa kasong parricide. — FRJ, GMA Integrated News