Napatay sa isang operasyon ng militar sa Lanao del Sur ang umano'y utak sa madugong pagpapasabog sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City noong Disyembre, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa inilabas na pahayag ng AFP nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Khadafi Mimbesa, alyas “Engineer," na lider umano ng Dawlah Islamiyah - Maute Group.
“Statements from a surrendered terrorist, identified as KHATAB, a high-value individual in the DI-Maute Group who surrendered to the 2nd Mechanized Brigade on February 11, have corroborated the initial information on demise of the DI-Maute Group Amir and the mastermind behind the MSU bombing,” ayon sa militar.
Mula Enero 25 hanggang 26, nagsagawa ng operasyon ng AFP na nagresulta sa pagkakapatay sa siyam na miyembro umano ng Dawlah Islamiyah.
Sa naunang impormasyon na inilabas ng AFP, tinukoy nila na kabilang sa mga napatay na suspek ay si Saumay Saiden (na may alyas Ustadz Omar at Abu Omar, Saumay), na kabilang sa apat na pangunahing suspek sa MSU bombing.
Napatay din si Abdul Hadi, alyas Hodi Imam at Abday'N, na sinasabing gumawa ng bomba na ginamit sa pagpapasabog sa MSU.
Apat ang nasawi at 45 ang nasugatan sa naturang pagpapasabog sa MSU na nangyari sa Dimaporo Gymnasium kung saan may idinadaos na misa. —FRJ, GMA Integrated News