Sumalpok ang isang sport utility vehicle sa Rockwell flyover sa Makati City nitong Linggo dakong alas-sais ng umaga.

Sa lakas ng impact, tatlong railing ng flyover ang natanggal, ayon sa ulat ni Mao dela Cruz sa Super Radyo dzBB.

Ang isang railing ay nahulog pa sa isang taxi na dumadaan sa EDSA sa ilalim ng flyover.

 

 

 

Inabot ng halos tatlumpung minuto bago naialis ng mga responder ang driver mula sa loob ng sasakyan.

Sa lakas ng impact ng aksidente, na-deploy ang airbags ng SUV at natanggal din ang isang gulong nito.

Dinala na sa ospital ang driver ng SUV.

Patuloy ang imbestigasyon ng Metropolitan Manila Development Authority sa insidente.

Pansamantalang nagdulot ng mabigat na trapiko ang aksidente dahil isang lane lang ang nadadaanan ng mga motorista. —KG, GMA Integrated News