Nagpositibo sa microplastic o maliliit na plastic ang mga bangus na nagmula sa ilang palaisdaan sa Mindanao, batay sa resulta ng pagsusuri ng Department of Science and Technology National Research Council of the Philippines (DOST-NRCP).
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing lumabas sa naturang pag-aaral na 60% ng mga sinuring bangus ang nakitaan ng microplastic sa tiyan.
“Ang microplastics kasi, mas malaki ang epekto niya sa mas maliliit na organismo,” ayon kay Dr. Deo Florence Onda, Microbial Oceanographer of Marine Science Institute."
“Kung 'yung maliliit na isda ay naapektuhan at hindi na nila kayang lumaki dahil sa microplastics, anong mangyayari? Ano 'yung aanihin natin? Kulang pa rin tayo sa pag-aaral kung ano 'yung overall impact niya sa health ng tao,” sabi pa ni Onda.
Sinabi naman ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, na hindi lang sa kalikasan ang banta ng microplastic, kung hindi maging sa kabuhayan ng mga mangingisda.
“Nilalason po ng mga plastic na ito ang mga palaisdaan at tsino-choke po nila ang mga coral reefs natin. Dito po nanggagaling ang livelihood ng mga mangingisda natin at ang mga isda na kinakain po natin araw-araw. Ang mga isda po natin ay kumakain ng mga microplastic,” sabi ni Yulo.
Pangunahing dahilan ng microplastic ang mga plastic na pambalot sa mga produkto na nagiging basura at napupunta sa mga kanal, ilog, hanggang sa dagat.
Ayon kay Yulo, mahigit 140 million plastic sachets ang inaanod sa karagatan. Noong August 2022, lumabas sa isang pag-aaral na kabilang ang Pilipinas sa mga bansa na pangunahing nagpaparumi sa karagatan.
Nais ngayon ng kalihim na kumilos ang mga kompanya para sila ang komolekta sa mga basura nilang plastic na kanilang ginagawa para sa kanilang produkto.
Sa 2028, nais ng DENR na makolekta ng mga kompanya ang 80% ng ginawa nilang plastic .
“We are now implementing ang Extended Producers’ Responsibility Law. Ano pong ibig sabihin niyan? Iyan po ay nagsi-shift burden na kumolekta ng plastic basura dito po sa mga korporasyon na nagpo-produce po ng plastic packaging,” ani Yulo.
Sinabi ni Dr. Onda na mayroon ding pag-aaral na pinapangambahan na mas marami na ang plastic sa dagat kaysa sa mga isda pagsapit ng 2050 kapag hindi natugunan ang problema.—FRJ, GMA Integrated News