Hinamon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na sabay silang magpakuha ng dugo para sa drug test sa harap ng publiko.
"Set it in Luneta Park, magpakuha siya ng dugo doon [mula sa] independent entity or doctor. Magpakuha rin ako, sige pati ako. Pakuha siya ng blood test," sabi ni Duterte sa press briefing sa Davao City nitong Martes na iniulat sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkules.
Sinabi pa ni Duterte na isang Cabinet official din ang gumagamit umano ng cocaine kasama si Marcos.
Iginiit din niya na nasa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Marcos, na una nang itinanggi ng PDEA.
Nangako ang dating pangulo na ilalabas niya sa publiko ang listahan ng PDEA sa sandaling makuha niya.
Ginawa ni Duterte ang pahayag matapos siyang hamunin ni Speaker Martin Romualdez, pinsan ni Marcos, na maglabas ng katibayan para patunayan ang kaniyang mga alegasyon.
Wala pang pahayag ang Palasyo kaugnay sa hamon ni Duterte.
Pero kamakailan lang bago siya nagtungo sa Vietnam, sinabi ni Marcos na ayaw niyang patulan ang naturang isyu na gumagamit siya ng ilegal na droga.
Unang ginawa ni Duterte ang alegasyon na "bangag" at "adik" si Marcos sa ginanap na prayer rally sa Davao City noong Linggo kaugnay sa pagkontra sa people's initiative na paraan ng pag-amyenda sa Saligang Batas.
Sinabi ni Marcos na maaaring naapektuhan na ng gamot na fentalyn si Duterte na iniinom umano ng dating pangulo.
"It is highly addictive and it has very serious side effects," ani Marcos tungkol sa fentanyl.
Ayon sa United States Drug Enforcement Administration, "fentanyl is a potent synthetic opioid drug approved by the Food and Drug Administration for use as a pain reliever and anesthetic." —FRJ, GMA Integrated News