Pinasok sa loob ng inuupahang bahay at ilang ulit na pinagbabaril ang isang lalaki sa Brgy. Kapasigan sa Pasig City nitong Huwebes ng gabi.

Naisugod pa sa ospital ang 36-anyos na biktima na si Mark Pablo alias Entong pero idineklara siyang dead on arrival.

Kuwento ng kinakasama ng biktima na nasaksihan ang pamamaril, tatlong lalaki ang pumasok sa kanilang bahay. Nagtago raw siya kasama ang dalawang anak para makaligtas.

Nakunan ng CCTV camera ng barangay ang tatlong lalaki na sunod-sunod na naglalakad sa A. Mabini Street. Pumasok sila sa Dr. Pilapil Street kung nasaan ang bahay ng biktima.

Matapos lang ang halos limang minuto, makikitang tumatakbo na ang tatlo paalis sa lugar. Kita na may hawak na baril sa kanang kamay ang isa sa tatlong lalaki.

“Nagkagulo na po ‘yung mga tao tapos nagro-roving po kami, may tumawag po sa amin na may putukan daw po. Kaya pagkaputok po noon tumawag kami agad sa kapulisan para puntahan po ‘yung pangyayari,” ani Joseph Avendaño ng Barangay Security Force.

Ayon pa sa mga taga-barangay, residente sa lugar ang biktima na dati nang nakulong dahil sa kasong may kinalaman sa droga. Nagpalipat-lipat din daw si Pablo ng inuupahang bahay.

Nakuha ng SOCO ang anim na basyo ng bala sa lugar. May ilang drug paraphernalia din na nakuha mula sa kuwarto at kusina ng bahay.

Iniimbestigahan pa ng Pasig Police ang posibleng motibo sa krimen. —KBK, GMA Integrated News