Inamin ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles na sadyang inedit ang larawan ng lotto winner para sa seguridad nito. Sa ibang bansa, sinabi ng opisyal na pinagsusuot ng mascot costume ang tumatama sa lotto.
Sa programang "Unang Hirit" sinabi ni Robles na noong Disyembre 28 tumama ang lotto winner sa Lotto 6/42 at P43 milyon ang premyong tinamaan.
Sa inilabas na pahayag ng PCSO nitong Miyerkoles na may kasamang larawan ng lotto winner na nakatago ang mukha, sinabing mula sa Bulacan ang lucky winner.
Pero napansin ng ibang netizen ang kalendaryo sa lamesa na 2023. Kaya ipinaliwanag ni Robles na Disyembre pa kuha ang larawan.
Nakasaad sa inilabas na pahayag ng PCSO na kinuha ng lotto winner ang kaniyang premyo sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City, isang araw matapos itong manalo.
Ayon kay Robles, sa buong mundo, walang lotto winner na nagpapakita ng mukha maliban kung gusto ng winner.
"Kung natatawa sila inedit yung palda eh sa ibang bansa po mascot ang sinusuot saka may mask," ayon sa opisyal.
"Enedit po talaga 'yon [picture] for security, to keep anonymity. Pero 'yan ho ang problema namin, we have to show the people na may totoong nanalo at the same time without violating naman yung privacy niya," paliwanag ni Robles.
Sa pagdinig naman ng Senate Committee on Ways and Means nitong Huwebes, ipinaliwanag ni Robles na inedit nila ang larawan ng winner dahil may nagreklamo na winner na nakilala siya dahil sa damit.
“We have to protect the identity of the winner. Meron pong nagreklamo sa amin one time. We covered the face. Eh ‘yung damit naman po ay nakilala. So, nagreklamo siya, sana naman daw po ‘wag ipakita naman po ‘yung damit. ‘Yan ang reason niyan,” paliwanag ni Robles sa tanong ni Senador Raffy Tulfo.
Humingi ng paumanhin si Robles kung hindi maganda ang pagkaka-edit sa larawan.
“I agree, it’s very poor editing, but the objective is to conceal the clothing na ma-identify sa kanya,” sabi ng opisyal.
“If there's something we apologize for, it’s the poor editing, but it serves the purpose of concealing the identity… We’re sorry we’re not very good at editing the clothes. Tunay na tao po ‘yan,” dagdag niya. -- FRJ, GMA Integrated News