Hindi lang isa kung hindi tatlong beses hinihinalang nasangkot sa away sa kalsada ang isang lalaki na may pagkakataon na na-videohan na may hawak na pamalo. Ang Land Transportation Office (LTO), naglabas na ng show cause order laban sa may-ari ng sasakyan.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing kumalat agad sa social media nitong unang linggo ng Enero ang video ng lalaking motorista na nakitang humaharurot sa isang kalsada sa Quezon City.

Tumigil siya ay kinompronta ang motorista na kaniyang nakaalitan na hindi naman bumaba ng sasakyan sa kabila ng ginawa nitong paghahamon.

Pagkalipas ng ilang linggo, isa pang video ang lumabas na kamukha rin ng kontrobesiyal na motorista sa unang video ang sangkot sa panibagong insidente.

Gaya nang unang insidente, hindi rin bumaba ng sasakyan ang motorista na hinahamon ng lalaking may hawak ng pamalo na winawasiwas pa niya.

Isa pang video ang lumabas sa social media na may kinokompronta naman na driver ng van ang pinapaniwalaang motorista na nakita sa naunang dalawang video.

Napag-alaman na pinadalhan na ni Land Transportation Office (LTO) chief Asec. Vigor Mendoza II, ng show cause order ang pangalan na nakarehistrong may-ari ng sasakyan nang una pa lang itong masangkot sa awar sa kalsada at nag-viral ang video.

"As part of due process, we want to know the side of the person involved before any action of the LTO," ayon sa opisyal.

Dalawang paglabag daw ang nakikita nilang ginawa ng motorista sa viral video-- obstruction of traffic at improper person to operate a motor vehicle, na kanselasyon ng driver's license ang parusa.

Nanawagan ang LTO sa registered owner ng sasakyan na makipagtulungan sa imbestigasyon na sisimulan sa Enero 17. -- FRJ, GMA Integrated News