Nahuli-cam ang suntukan ng magkapitbahay sa Tondo, Maynila na nauwi sa pamamaril na ikinasawi ng isa. Ang suspek na may baril, kawani umano ng National Bureau of Investigation (NBI).

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV camera na bumunot ng baril ang suspek na sinunggaban naman ng biktima.

Hanggang sa mag-agawan sila sa baril, at mabaril ng suspek ang biktima na hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Ayon sa pulisya, kawani sa NBI ang suspek at "service firearm" ang ginamit nito sa krimen.

Sa loob ng presinto, sinabi ng suspek na lagi umano siyang binu-bully ng biktima.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang pahayag ng NBI. —FRJ, GMA Integrated News