Nagpahayag ng pagtutol si Vice President Sara Duterte sa plano ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na buhayin ang usapang-pangkapayapaan sa komunistang grupo na National Demorcatic Front of the Philippines (NDFP) na nasa The Netherlands ang mga namumuno.
Sa isang pahayag nitong Lunes, tinawag ni Duterte na "an agreement with the devil" ang joint statement kamakailan ng pamahalaan at NDFP para simulan ang pagbalangkas sa gagawing peace talks.
Ginawa ni Duterte ang pahayag sa ika-limang anibersaryo ng pagkakabuo ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
"Mr. President, the government’s statement with the NDFP in Oslo was an agreement with the devil," sabi ng pangalawang pangulo na tutol din sa inilabas na amnesty proclamations ni Marcos para sa mga dating rebeldeng komunista.
Ayon kay Duterte, napatunayan na umano na hindi tapat ang mga rebelde sa hangaring kapayapaan at gagamitin lang ang negosasyon laban sa gobyerno at panlilinlang sa mga tao.
Dagdag pa ni Duterte, hindi mabibigyan ng katarungan ang mga kaso ng barangay officials, security volunteers, pulis at mga sundalo na namatay para protektahan ang mga mamamayan laban sa mga rebelde dahil sa amnesty proclamations.
"We appeal to your power to review these proclamations and agreements... Let us honor the memory of those who died in the senseless and bloody attacks of the NPA-CPP-NDFP," hiling ng pangalang pangulo.
"Mr. President, we can negotiate for peace and reconciliation and pursue meaningful development efforts in the Philippines without capitulating to the enemies," dagdag pa niya.
Nitong nakaraang buwan, hiniling ni Marcos sa mga Pilipino na suportahan ang pagbuhay na muli sa usapang-pangkapayapaan sa NDFP, makaraang lagdaan ang joint communique na indikasyon ng pagbabalik ng dalawang panig sa negosasyon.
Bukod pa rito, binigyan din niya ng amnestiya sa pamamagitan ng proklamasyon ang ilang dating miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-NDF (CPP-NPA-NDF), maging ang ilang kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).
Bakit tayo matatakot?-- Romualdez
Inihain naman nina Speaker Martin Romualdez at ilang mambabatas ang House concurrent resolutions na susuporta sa amnesty proclamations ni Marcos.
Sa isang pahayag, tinawag naman ni Romualdez na katapangan ang desisyon ng administrasyong Marcos na muling bukas ang peace talks sa komunistang grupo.
"This courageous step towards reconciliation is a testament to our government's commitment to enduring peace and unity, which are the cornerstones of our nation's development and progress," anang lider ng Kamara.
Dagdag pa niya, "Bakit tayo matatakot makipag-usap kung alam nating malakas ang ating Sandatahang Lakas at matatag ang ating Republika? Ano ang ikababahala natin kung alam natin na nasa pamahalaan ang tiwala ng bayan?"
Higit sa tinatawag na political maneuver, sinabi ni Romualdez na mahalagang bumalik ang pamahalaan sa negosasyon para bigyan ng pagkakataon na resolbahin ang pagkakahati-hati ng bansa.—FRJ/RSJ, GMA Integrated news