Itinaas ng Philippine National Police (PNP) ang alerto sa Metro Manila dahil sa panahon ng kapaskuhan at may naganap na pagsabog sa Mindanao State University sa Marawi City habang nagdaraos ng misa.
"Ibig sabihin 75% ng total PNP strength po natin ay expected po natin na lalabas po para ma-sustain ang police visibility and presence natin," ayon kay Police Colonel Jean Fajardo, PNP information chief.
Pinalakas pa ang mga checkpoint katulad sa border Metro Manila at Bulacan. Gumagamit din ng K9 teams sa nga bus terminals, malls, at iba pang matataong lugar.
Hinigpitan din ang pagbabantay sa mga simbahan o mga sambahan dahil magsisimula na rin ang simbang-gabi sa December 16.
"Ang mga delikadong component na nakakapinsala ay concealed po 'yan, kaya kailangan natin ng technical services lalong lalo na ng EOD (Explosive Ordnance Disposal ) K9 units," ayon kay Police Lieutenant Colonel Paolo Abrazado, commander of Quezon City Police District Station 7.
Paglilinaw naman ni Fajardo, wala namang namomonitor na banta ng pag-atake ng terorismo sa Metro Manila pero kailangan daw na dagdagan ang seguridad dahil na rin sa kapaskuhan.
"Nothing to worry ... the PNP is on top of the situation. We have not received any serious threat, particularly here in Metro Manila," pagtiyak niya.
Una rito, walang pagbabagong magaganap sa liderato ng kapulisan matapos na palawigin ni PangulongFerdinand Marcos Jr. ang termino ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. hanggang Marso 2024.
Nakatakda na sanang magretiro si Acorda ngayong Disyembre 3 dahil sa pagsapit ng kaniyang retirement age na 56.—FRJ, GMA Integrated News