Inihayag ng pinuno ng Philippine National Police (PNP) na iimbestigahan nila kung may paglabag na nangyari sa ginawang livestreaming ng vlogger na si Rendon Labador sa raid na ginawa ng mga awtoridad laban sa isang kompanya sa Makati City kamakailan.
“We are looking into this. We don't encourage such actions. We will be making some directives and initiating measures so as not to repeat the same incident,” sabi ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa news briefing nitong Lunes.
BASAHIN: Pag-livesteam ni Labador sa raid ng PNP sa online lending company na nangha-harass umano, inalmahan
Kung may paglabag na nangyari, tiniyak ni Acorda na mananagot ang mga nagkamali.
Sinubukan ng GMA News Online na makuhanan ng pahayag si Labador tungkol dito.
Matatandaan na sinalakay ng mga pulis ang isang online lending company sa Makati City na umanong namamahiya at nanakot ng mga kliyenteng hindi nakapagbabayad.
May collaboration umano sa pulisya si Labador kaya kasama sa raid na kaniyang ini-live streamed sa Facebook.
Pero umalma ang mga kaanak ng mga nagtatrabaho sa kompanya sa caption sa Labador sa livestream dahil lumalabas umano na nagkasala na ang mga nagtatrabaho sa naturang kompanya.
Nakita rin umano ang mga mukha ng ilang nagtatrabaho sa kompanya.
Kinumpirma naman ng PNP Anti-Cybercrime Group, na kasama nila sa raid si Labador.—FRJ, GMA Integrated News