Sa kulungan ang bagsak ng isang Malaysian national matapos mabisto ang mahigit P25 milyong halaga ng shabu umano sa kaniyang maleta sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Mohammad Afzal, na hinarang sa isang interdiction operation ng Philippine Drug Enforcement Agency, Bureau of Customs at Bureau of Immigration Huwebes ng gabi.
Nasabat mula sa dayuhan ang 3.7 kilo ng shabu na tinatayang mahigit P25 milyon ang halaga, na itinago sa mga improvised pouch na gawa sa packing tape at nasa kaniyang maleta.
Galing Malaysia, bumiyahe si Afzal sa Madagascar at nag-transit sa Addis Ababa sa Ethiopia.
Naghinala ang mga awtoridad dahil imbes na dumiretso sa Malaysia, huminto pa ang suspek sa Pilipinas.
Bukod dito, itinuturing na “red flag” ang mga pinagmulang bansa ng dayuhan pagdating sa drug trade.
Itinanggi ng Malaysian national na siya ang may-ari ng bagahe, kundi ipinakisuyo lang ito sa kaniya.
Mahaharap ang suspek sa paglabag sa batas kontra droga at haharapin ang kaniyang kaso sa Pilipinas. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News