Isang 22-anyos na babae ang na-trauma matapos siyang tutukan ng ice pick at tangkaing gahasain umano ng isang tricycle driver sa Caloocan City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, mapapanood sa isang video ang pagsigaw ng babaeng biktima sa Barangay 176, Bagong Silang, North Caloocan, pasado 10 p.m. nitong Miyerkoles.

Ilang sandali lang, humaharurot na ang isang tricycle palayo sa lugar.

Isinalaysay ng biktimang nasa video na papasok siya sa trabaho nang sumakay sa tricycle, ngunit nakiusap ang tricycle driver na dadaanan lang saglit sa ate nito.

Nakaramdam na ng kutob ang babae nang huminto ang tricycle sa madilim na lugar.

"Akala ko nu’ng hininto niya 'yung tricycle susunduin niya 'yung ate niya. Nagulat ako may kinuhang ice pick. Tinutukan na niya ako ng ice pick tapos sinabi niya parang 'yun lang naman daw 'yung balak niya wala naman daw mangyayari kung makikipag-cooperate. Hanggang sa nagmakaawa na ako. Hindi na ako lumalaban kasi siyempre ice pick 'yung nakatutok sa akin,” anang biktima.

Doon na hinipuan ng driver ang biktima at pinilit hubarin ang kaniyang shorts, ngunit nalaglag ang ice pick na hawak ng suspek.

“Tiniyempuhan ko lang na habang busy siya sa paghahanap bigla akong nagpumiglas sa kaniya sabay takbo. Trauma talaga… sakit. Parang takot bumiyahe mag-isa. Nakaka-trauma magtiwala ulit sa gano’ng driver,” sabi ng biktima.

Naipa-blotter na sa barangay at naiulat na sa pulisya ang insidente.

Patuloy na hinahanap ang tricycle driver na nagtangkang manggahasa umano sa biktima. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News