Isang masayang Pasko ang plano ng caregiver na si Paul Vincent Castelvi para sa kaniyang pamilya, lalo na sa kaniyang ina na balak niyang sorpresahin sa kaniyang pag-uwi sa San Fernando, Pampanga. Pero hindi na niya ito magagawa matapos siyang masawi nang umatake ang militanteng grupong Hamas sa Israel noong Sabado.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras"nitong Huwebes, sinabing binigyan si Paul Vincent, 42-anyos, ng plane ticket ng kaniyang amo para makauwi sa Pilipinas sa Disyembre.
Ayon sa ama ni Paul Vincent na si Lourdines, hindi ito ipinapaalam ng kaniyang anak sa kaniyang asawa, o sa ina ni Paul Vincent.
“Sabi niya kapag kausap siya ng nanay niya hindi siya uuwi. Ang uuwi ang asawa at bata lang, 'yon pala gusto niya sorpresahin ang nanay niya,” saad ng ama.
Buntis pa naman ang asawa ni Paul Vincent, na nakatakdang magsilang sa Nobyembre.
Si Paul Vincent ang isa sa dalawang Pilipino na kumpirmadong nasawi sa ginawang pag-atake ng Hamas sa Israel.
BASAHIN: Pinay nurse na nasawi sa Israel, puwedeng tumakas pero piniling 'wag iwan ang pasyente
Nagtatrabaho si Paul Vincent bilang caregiver sa Kibbutz Beeri, na nasa southern portion ng Israel, malapit sa Gaza, kung saan nagmula ang pag-atake ng Hamas.
Hindi batid kung ano ang nangyari sa mga huling sandali ni Paul Vincent, pero naniniwala si Lourdines na nasawi ito na pinoprotektahan ang kaniyang amo na maysakit.
“Para sa akin po, by that time na pumasok ‘yung Palestinian sa lugar nila at nag-house to house sila ay para sa akin po ang ginawa niya kaya siya namatay ay pinagtanggol niya ang amo niya sa mga terorista,” ani Lourdines.
Bilang breadwinner o nagtataguyod sa pamilya, inilarawan si Paul Vincent na mapagkalinga at mapagbigay.
"Para kaming naputulan ng paa, hindi namin alam ano mangyayari sa mga darating na araw," ayon sa kaniyang ama.
Nang malaman ng ina na si Lilina ang nangyari sa kaniyang anak na si Paul Vincent, kinuha niya ang larawan nito at niyakap.
“Hindi ko na po siya mayakap, hindi ko na po siya mahalikan. Kung uuwi po siya na abo na lang, paano ko po siya mayayakap? Wala na po,” saad ng nagdadalamhating ina.
Ayon kay Lilina, halos araw-araw silang tinatawagan ng kaniyang anak.
"Pag nagbi-video cam kami, pag magpapaaalam na síya, sige na Paul love madami, love love mama," ani Lilina.
"Maka mama talaga siya. Kaya sa araw araw sinasabihan ng love love madami. Siya love love Ma, ngayon wala nang magsasasabi sa akin nang ganiyan, wala na po siya eh," malungkot niyang pahayag.
“Ang hindi ko lang masukat isipin paano nila nagawang ganyanin ang anak ko dahil napakabait po niyang bata, napakabait po niya, wala pong katulad," patuloy ni Lilina.
Mahirap man tanggapan, sinabi ni Lilina na kailangan niyang maging matatag para sa kaniyang magiging apo.
“Huwag siya mag-alala, hindi ko papabayaan ang anak niya dahil kung paano ko siya minahal ganun ko rin mamahalin ang anak niya,” ayon sa ina.—FRJ, GMA Integrated News