Agaw-atensyon ang mga naglalakihang “piniritong itlog” na nagkalat sa mga daan sa Sao Paulo, Brazil. Ang artwork, nagsilbing paalala tungkol sa climate change na kayang maluto ng itlog sa sobrang init ng araw.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang mga makatotohanang anyo at iba-ibang hugis ng mga higanteng itlog.
Ang isa pa sa mga ito, tila kumalat ang egg whites hanggang sa hagdanan.
Bahagi ito ng pop-up 3D installation art na Art Eggcident, na likha ng Dutch artist na si Henk Hofstra.
Naglalayon itong magbigay-kaalaman tungkol sa global warming at climate change, at kalahok sa isang festival sa Sao Paulo, na paksa ang sitwasyon ng kalikasan sa 2030.
“The exhibition (Art Eggcident) really reinforces this communication that we have in a week-long event focused on the environment, especially climate change,” sabi ni Armando Mandi, festival organizer.
Hango ang Art Eggcident sa ideya na kayang maluto ang itlog sa sobrang init ng araw.
Inaasahang mararanasan sa mga susunod na araw ang record-breaking heatwave sa Brazil.
Base sa forecast, posibleng umabot sa 37 degrees Celcius ang temperatura sa Sao Paulo.
Sinabi ng United Nations na nasa 250,000 katao ang maaaring mamatay kada taon dahil sa climate change.
Ugat din ng samu’t saring sakit ang pagtaas ng temperatura sa mundo na sinabayan pa ng extreme weather conditions, wildfires at polusyon. —VBL, GMA Integrated News