Naaresto ng mga awtoridad ang isang ama na suspek sa pambubugbog at pagpatay sa kaniyang pitong-taong-gulang niyang anak na babae nang masita siya dahil sa paglabag sa gun ban.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Carlo Danni Lloren, na nasita sa Tondo, Manila dahil sa pagdadala ng baril sa kabila ng umiiral na gun ban dahil sa gaganaping Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Ayon kay Police Colonel Roberto Mupas, hepe MPD Station 1, kaduda-duda umano ang ikinikilos ni Lloren at nang sitahin ay nakita ang bitbit niyang baril.
Ipinaliwanag ni Lloren na pangproteksyon lang umano sa sarili ang dala niyang baril.
Aalamin ng mga awtoridad kung may kaukulang dokumento ang baril.
Pero bukod sa kakaharapin niyang kaso tungkol sa baril, matuklasan din na si Lloren ang inaakusahang pumatay sa batang si Catherine Joy.
Una nang iniulat na nagalit umano ang ama ng bata nang pakialaman niya ang sukli nang inutusan siyang bumili sa tindahan.
READ: 7-anyos na babae, patay matapos umanong bugbugin ng sariling ama dahil sa sukli
Matapos bugbugin ang bata, nilagnat ito noong Agosto 18 at dinala sa ospital noong Agosto 21. Pero pumanaw din ang biktima noong Agosto 26 dahil sa acute respiratory failure and multiple physical injuries.
Itinanggi naman ni Lloren na may kinalaman siya sa pagkamatay ng anak.
“Bagong gising po ako noon, kakagising ko lang po galing trabaho. Parang naalimpungatan lang po kasi naglalaro sila eh, naingayan lang po ako. Kasi puyat po ako noon… Wala po akong pinabili,” paliwanag niya .
“Napalo ko lang talaga ‘yung anak ko po eh, pero hindi ko naman po sinakal… Pinagsisisihan ko kasi masakit bilang tatay para sa akin tsaka nawalan rin ako ng anak,” dagdag niya.
Sinabi ng pulisya na kopya na sila ng resulta ng awtopsiya sa bata at sasampahan pa nila ng kasong parricide si Lloren.-- FRJ, GMA Integrated News