Kahit nakita sa viral video na nagkasa ng baril, sinabi ng siklista na si Allan Bandiola na hindi inaresto ng mga pulis ang nakaalitan niyang motorista na dating pulis na si Wilfredo Gonzales dahil wala raw nakita ritong baril.
Inihayag ito ni Bandiola sa ginawang pagdinig ng SeSiklista: Nakaalitang ex-cop sa kalye, 'di hinuli ng pulis dahil wala raw barilnate Committee on Public Order and Dangerous Drugs nitong Martes, na pinamumunuan ni Senador Ronald "Bato" Dela Rosa.
"Sabi ni Sir Adan, 'Hindi namin puwedeng arestuhin si Ginoong Gonzales, wala naman kaming nakitang baril' Ganito na lang, sabi niya, tatawag tayo sa traffic sector para maayos 'to at magawan ng incident report," paglalahad ni Bandiola sa komite.
Ayon kay Dela Rosa, dapat iginiit ni Bandiola sa mga pulis na may baril si Gonzalez.
"Dapat sinumbong mo, may baril 'yan, kinasahan ako," dagdag pa ng senador na dating hepe ng PNP.
Iginiit naman umano ni Bandiola sa mga pulis na may baril si Gonzales pero sinabi ng mga pulis na rumesponde sa insidente na hindi nila ito puwedeng arestuhin.
Wala sa naturang pagdinig ang mga sinasabing pulis ni Bandiola.
Agosto 8 nang mangyari ang iringan sa kalye nina Gonzales at Bandiola. Pero noong lang Agosto 27 lumabas ang viral video na nakitang naglabas ng baril si Gonzales at ikinasa ito sa harap ni Bandiola.
Nagsampa na ng reklamong alarm and scandal ang Quezon City Police District laban kay Gonzales.
Natanggal na rin si Gonzales sa pagiging empleyado ng Korte Suprema. Bukod dito, nais ng pamunuan ng PNP na isauli niya ang natanggap na retirement benefits matapos matuklasan na may mga kaso pa siyang kinakaharap nang umalis sa serbisyo.
Plano rin ng PNP na sampahan pa ng ibang reklamo si Gonzales kabilang ang grave threat. — FRJ, GMA Integrated News