Kinumpirma ng Korte Suprema na empleyado ng isang mahistrado ang driver at dating pulis na nag-viral sa social media matapos batukan at kasahan ng baril ang nakaalitang siklista sa kalsada.
Ayon sa SC, matapos nilang malaman ang insidente, sinibak na sa trabaho noong Linggo, Agosto 27, si Wilfredo Gonzales.
Idinagdag nito na coterminous employee sa tanggapan ni Associate Justice Ricardo Rosario si Gonzales.
“Justice Rosario does not condone any form of violence or abusive behavior,” ayon sa inilabas na pahayag ng SC.
Ayon sa pulisya, sinibak sa pagiging pulis noong June 2018 si Gonzales dahil sa kasalanang "grave misconduct."
Nagsampa na ng reklamong alarm and scandal ang The Quezon City Police District (QCPD) laban kay Gonzales.
Sumuko sa pulisya noong Linggo si Gonzales makaraang mag-viral ang video na nakahuli-cam sa insidente.
Iginiit niya na Agosto 8 pa nangyari ang insidente at nagkaroon na sila ng kasunduan ng siklista.
Sakabila nito, binawi ng Philippine National Police ang gun license, firearm registration, at permit to carry ni Gonzales.
Pinatawan din ng Land Transportation Office ng 90-day preventive suspension ang lisensya niya sa pagmamaneho habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang ahensiya.
Nagbitiw naman sa puwesto si QCPD chief Police Brigadier General Nicolas Torre III para ipakita na hindi niya pinagtatakpan ang imbestigasyon tungkol kay Gonzales.—FRJ, GMA Integrated News