Isang mananaya ang nanalo ng mahigit P100 milyong jackpot prize sa Megalotto 6/45 draw nitong Lunes, Agosto 28, 2023.

Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nakasaad na ang lumabas na mga numero ay 09-30-28-45-31-05, at may kabuuang premyo na P101,344,365.20.

Sa Facebook page ng PCSO, nakasaad din na mayroong 78 mananaya ang tumama ng second prize na P32,000.00.

Wala namang tumama sa isa pang draw nitong Lunes na Grand Lotto 6/55, na ang lumabas na mga numero ay 41-17-07-51-39-46, at may premyong P90,060,945.20.

Gayunman, pitong mananaya ang nakatama ng second prize na P100,000.00.

Sa panayam sa GMA News’ Unang Hirit, sinabi ni PCSO senior marketing specialist Romi Sison, na sa PCSO main office sa Mandaluyong kinukuha ang premyo ng mga nanalo sa mga major draw.

Bukod sa winning ticket, dapat magdala rin ng dalawang valid IDs ang masuwerteng kukubra ng kanilang premyo.-- FRJ, GMA Integrated News