Naaresto ng mga awtoridad sa Nueva Ecija ang isang Korean national na wanted ng Interpol. Ang suspek, kabilang din umano sa isang malaking grupo ng mga scammer sa Pilipinas.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras"nitong Lunes, sinabing naaresto ng pinagsanib ng puwersa ng Bureau of Immigration at Anti-transnational crimes unit ng Criminal Investigation and Detection Group ng pulisya ang tinutuluyang bahay ng suspek na si Son Subeom sa Barangay Sicat sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Ayon sa CIDG, miyembro umano ng tinatawag na Philippine telecom fraud organization si Son, at wanted din sa Interpol dahil sa mga kasong panloloko.
Nagpapanggap umano ang grupo ni Son na kinatawan sila ng isang bangko sa South Korea at tatawagan ang mga kababayan nila para alukin ng pautang na may mababang interes.
Kapag kumagat ang biktima at ibigay ang detalye ng kaniyang bank account, dito na mawawala ang depositong pera ng biktima.
"Pinapasok nila 'yung devices ng biktima nila. Kapag may nakita sila ng significant na informations, tinatawag nila ang victims at hinihingan ng pera," ayon kay Police Leiutenant Colonel Ariel Huesca, hepe ng CIDG-ATCD.
Nagsimula raw mag-operate sa Pilipinas ang suspek noong 2016. Pero mula sa Metro Manila, lumipat ang mga miyembro nito sa mga probinsiya.
Sa tagal na ng suspek sa Pilipinas, natuto na rin siyang mag-Filipino. Nang hingan ng pahayag, sinabi ni So na, "Wala po." --FRJ, GMA Integrated News