Nasagip ng mga awtoridad sa isang bahay sa Malabon City ang isang babaeng Taiwanese na dinukot umano ng mga Chinese national. Ang biktima, ginahasa at hiningan pa raw ng pera ng mga suspek.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing nasagip sa isang bahay na nasa loob ng subdibisyon sa Barangay Potrero ang 35-anyos na biktima.
Matunton ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng biktima at mga suspek sa tulong ng global positioning system (GPS) feature sa mobile phone ng Taiwanese.
Dalawa sa pitong suspek na Chinese national ang nasakote. Ang tumatayong lider umano ng grupo ang dalawang ulit na nanghalay sa biktima.
“Pinuntahan po namin 'yung tinuturo ng GPS locator at narating po namin 'yung area,” ayon kay Malabon City Police Chief Colonel Jonathan Tangonan.
“Pagdating po namin sa area nakipag-coordinate kami sa barangay officials at sa president ng home owners. Pinagbuksan naman po nung mga tao. Pagbukas namin, pumasok kami sa loob kasama namin yung mga barangay officials at home owner president at nakita namin doon sa second floor yung babae po,” dagdag pa ng opisyal.
Mayroon lang umanong katatagpuing kaibigan ang biktima sa Malate, Manila noong August 14 pero ang mga suspek daw ang kaniyang dinatnan sa lugar.
Ilang beses din umanong pinuwersa ng mga suspek ang biktima na magbigay ng pera sa kanila via online.
“Ang sabi po niya nagpapadala siya ng pera na dine-demand sa kaniya through online. Merong USD 10,000, USD 20,000. Series po yung pagpapadala niya thru online transactions,” sabi ni Tangonan.
Itinanggi naman ng mga naarestong suspek ang paratang laban sa kanila.-- FRJ, GMA Integrated News