Sa paggunita ng 40th death anniversary ni dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr., hinikayat ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang mga Filipino na huwag hayaang maging hadlang ang pulitika at sa halip magkaisa sa pagsulong ng bansa.

"By standing for his beliefs and fighting for battles he deemed right, he became an example of being relentless and resolute for many Filipinos,” saad sa mensahe ni Marcos sa pakikiisa sa paggunita ng Ninoy Aquino Day.

“In our purposive quest for a more united and prosperous Philippines, let us transcend political barriers that hamper us from securing the comprehensive welfare and advancement of our beloved people,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Marcos na kapag naging giya ng isang tao ang pagmahahal sa bansa, "we foster an environment where empathy, compassion, and dialogue prevail, leading us to a more enlightened and harmonious society."

"Let us allow this compelling force to promote collaboration, celebrate diversity, and create a society that is teeming with vitality and inspiration," sabi pa ng pangulo.

Ginigunita tuwing ika-21 ng Agosto ang Ninoy Aquino Day sa bisa ng Republic Act No. 9256.

Binaril at napatay si Ninoy sa Manila International Airport noong August 21, 1983. Tatlong taon makaraan nito, nangyari ang EDSA 1986 revolution na nagpatalsik sa kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Nitong Lunes, nagtipon-tipon sa NAIA sa Parañaque City  ang mga tagasuporta at pamilya ni Aquino.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA Integrated News’ Unang Balita, sinabing nagkaroon ng seremonya sa NAIA Terminal 1 ang August Twenty One Movement (ATOM), kaninang umaga.

Ayon kay Rebecca Quijano, isa sa mga kasama ni Aquino sa eroplano bago mangyari ang asasinasyon, ngumiti lang umano ang dating senador nang tanungin niya ito kung hindi ba natatakot sa kaniyang pagbabalik sa bansa matapos ang ilang taong exile.

Inihayag naman ng historian na si Xiao Chua na nananatiling mahalaga ang August 21 dahil sa paninindigan ni Ninoy sa demokrasya.

Pinasalamatan naman ng apo ni Ninoy na si Francis Aquino ang mga dumalo sa naturang pagtitipon para gunitain ang kamatayan ng kaniyang lolo.

Matapos ang seremonya sa airport, nagkaroon naman ng motorcade patungo sa Sto. Domingo Church sa Quezon City para sa Banal na Misa.—FRJ, GMA Integrated News