Nagtamo ng mga pasa at sugat sa katawan ang isang pulis matapos umano siyang kuyugin ng nasa 10 lalaki sa Quezon City. Ang kaniyang baril, inagaw pa sa kaniya hanggang sa pumutok ito at tinamaan sa daliri ang isang suspek kaya naputol.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa video ang pagbugbog kay Police Staff Sergeant Jay Dawis nitong ala-una ng madaling araw nitong Miyerkoles sa Barangay Bahay Toro.
Matapos magamot at makalabas ng ospital, iika-ikang nagpunta sa Criminal Investigation and Detection Unit ng QC Police District si Dawis.
Ayon sa biktima, may tinanong lamang siya sa grupong nag-iinuman. Sinagot daw siya ng isa at inalok ng droga.
“Pinakitaan niya ako ng shabu, ‘Magkano ba?’ Du’n na po parang ‘yung sarili ko nainis. Sabi ko *** ka ah.' Kinuha ko ngayon ang wallet niya tapos sabi ko ‘Pulis ako!’,” kuwento ng biktima.
Dito na ümano siya pinagtulungan ng grupo at may nais pang kumuha ng kaniyang baril.
“Kinukuha nila ‘yung baril ko. Nikipagbuno ako tapos andami sa kamay ko, hindi ko na [mabilang] kung ilan silang nakahawak sa kamay ko, basta tatlo silang bumubugbog sa akin. Pumutok na lang ‘yung baril ko,” sabi ni Dawis.
Hanggang sa tinamaan ang kamay ng isa sa mga nambugbog kaya naputuluan ng daliri.
Naagaw din ang baril ni Dawis, pero masuwerteng may dumating nang police mobile.
“Buti na lang ‘yung baril ko hindi ipinutok sa ‘kin o kutsilyo na sinaksak sa ‘kin,” anang pulis.
Napagbalingan din ng grupo ang rider ng habal habal na nirentahan ni Dawis na nagtamo ng putok sa ulo.
“May kahoy po, may parang tubo, may bote. Pagkakatanda ko may dalawa hanggang tatlong bote ang binasag sa kaniya,” sabi ni Irineo Casidsid, habal-habal driver.
Nadakip ang naputulan ng daliri na si Fernando Vinluan, na ayon sa QCPD ay may warrant of arrest para kasong robbery-holdup.
Nahuli rin si Berlie Chavez na siyang kumuha sa baril na narekober na kinahapunan.
Itinanggi naman ang mga suspek ang paratang laban sa kanila ng pulis.
“Mamamaril, tinaas niya po. Tinulungan ko po siyang hawakan ‘yung baril para maagaw namin po. Pumutok ho sa kamay ko,” sabi ni Vinluan.
Ikinagalit ng hepe ng QCPD na si Brigadier General Nick Torre ang nangyari lalo’t iba umano ang lumabas sa unang report.
“Ang sinasabi nila lasing ‘yung pulis, pumunta sa kanilang lugar at nagpaputok. Nanggulo, nagpaputok, ‘yan ang unang report. Binaliktad lang siya, initially dahil hindi nga siya nakausap dahil nasa ospital nga siya,” sabi ni Torre.
Muntik pang ipaaresto ni Torre si Dawis hanggang sa lumabas ang resulta ng imbestigasyon.
Patuloy na tinutugis ang walong iba pang suspek na sangkot umano sa pambubugbog sa pulis. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News