Nauwi sa kababalaghan ang isa sanang masayang road trip ng magbabarkada sa Tagaytay matapos maki-“joyride” ang isang babae na nagambala umano at sabay-sabay silang sinapian sa loob ng kanilang sasakyan.

Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Kuya Kim Atienza mapapanood ang video ng pagsanib ng babaeng elemento umano sa grupo nina Francine, Marissa, Mystica, Chantal at Potchi habang nasa loob ng ilang sasakyan.

Bago nito, may isang lalaki na ang nagbabala sa kanila na mag-ingat tungkol sa pagbiyahe sa Tagaytay sa oras ng madaling araw.

Habang tinatahak ang daan pa-Tagaytay, nakakita ang magbabarkada ng isang kubo sa gitna ng bukid.

“Nagtataka kami bakit parang ang tagal-tagal namin siyang mapuntahan. Nandoon na kami sa kubo, biglang may lalaking sumulpot. Doon ako nagtaka kasi isa lang ang tanong mo, isa lang din talaga ang sagot niya,” sabi ni Francine.

Pagkarating, nagdesisyon ang magbabarkada na mag-inuman na lang sa lugar kung saan malapit ang kubo. Matapos nito, nag-aya si Francine na umuwi na dahil alas-dos na ng madaling araw.

Noong pabalik na ng Maynila, dito na nangyari ang pagsapi ng isang elemento umano habang nasa loob sila ng sasakyan.

“Akala ko nagbibiro, kasi palabiro siya. Pero doon ako nagtaka kasi iba ‘yung boses niya eh. Malakas ang boses niya. Si Marissa, sumisigaw na naghi-hysterical. Si Mystica naman po ganu’n din. At si Chantal po ‘yung sobrang lakas, lalo pa ang laking lalaki kaya medyo huminto kami sa kaniya eh,” kuwento ni Francine.

Habang sinasapian umano ang mga kaibigan ni Francine, may nagpakitang babae sa labas ng kanilang van.

“Nagsigawan kami kasi noong nasa harap na namin siya, blurred ‘yung mukha niya. Nagtataka kami kasi ‘yung tatlong sasakyan, binubusinahan kami ng pagkalakas-lakas. Ang sabing gano’n, ‘Overspeed kayo! May babae!’ Hindi namin pinansin ‘yun tsaka noong driver,” ani Francine.

Sinamahan ng paranormal researcher na si Ed Caluag ang grupo nina Francine sa lugar kung saan sila sinapian umano.

Sa tulong ni Marissa na isa sa mga sinapian sa kanilang grupo, tinawag ni Ed ang kaluluwa ng babae para makausap ito.

Ilang saglit pa, tila nanghihina at bumabagsak si Marissa na tila muling sinapian ng elemento.

“Kayo raw ang pumunta sa kaniya, kayo raw ang nang-abala sa kanila,” sabi ni Ed sa grupo nina Francine.

“Ito ‘yung sinasabi nating mass hysteria. Ang nangyari kasi, totoo na nakakita sila ng isang kaluluwa. Kaso dahil natural sa isang tao ang matakot doon sa kapag nakakita ka ng bagay na hindi ka pamilyar at alam kasi nila ‘yung nakita nila eh. Ang nangyari, lahat sila ay meron nang takot,” paliwanag pa ng paranormal researcher.

Nagtirik si Ed ng itim na kandila at gumamit ng pulang panali para balikan at maunawaan ng pinagdadaanan ng elemento, habang humingi ng tawad ang grupo ni Francine rito.

Alamin sa Dapat Alam Mo! ang paliwanag ng isang psychiatrist at isang pari tungkol sa pagsapi at mass hysteria. — VBL, GMA Integrated News