Isang magkabilang hita ng tao ang natagpuang palutang-lutang sa katubigang bahagi ng isang pier sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Sam Nielsen ng Super Radyo dzBB, sinabing kinumpirma ng pamunuan ng Manila Police District na natagpuan ang nasabing bahagi ng katawan ng tao sa Pier 16, Barangay 118.

Base naman sa ulat ni Police Corporal Wilson Cruz, imbestigador sa kaso ng Manila Police District Station 1, natagpuan ang magkabilang hita ng tao nitong Sabado ng umaga.

Bukod sa suot na itim, walang ibang nakitang palatandaan sa pagkakakilanlan ng nasabing parte ng katawan ng tao.

Nakita ito ng isang seaman, na isinumbong sa naka-duty na security guard, na siya namang nag-ulat sa pulisya.

Patuloy ang imbestigasyon ng Manila Police District sa insidente. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News