"'Di bale po na naka-paa kang lumalaban, pero 'yung loob mo malakas naman po." Ito ang pahayag ng estudyaneng si Jackie Rose Orpilla, na pumangalawa sa 400m heats kahit sumabak na nakayapak lang sa Palarong Pambansa.
Mula sa CALABARZON si Orpilla, na kabilang sa mga kalahok sa 2023 Palarong Pambansa na ginaganap sa Marikina City, ayon sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules.
Naniniwala si Orpilla na mas maganda sana ang kaniyang performance sa SPED-ID 16-above girls division kung may sapatos siyang gamit.
Pero hindi naging hadlang kakulangan niya ng sapatos para abutin ang kaniyang pangarap.
"'Di bale po na naka-paa kang lumalaban, pero 'yung loob mo malakas naman po," pahayag niya.
Ayon sa coach ni Orpilla na si Cheryll Boncato, nanghihiram lang kung minsan ng sapatos ang kaniyang mga manlalaro.
"'Yung sapatos po, minsan nanghihiram lang po kami sa kasamahan namin sa room o kaya sa kabilang room na mga friends nila," saad ni Boncato.
"Dahil wala kami, wala kaming choice. Kung may mahiraman kami, OK. Kung wala kaming mahiraman, OK lang po," patuloy niya.
Bukod kay Orpilla, nakayapak din at nilagyan lang ng tape ni Shayne Anne Labinghisa ang kaniyang paa nang sumabak naman sa 3000m girls secondary event.
Mula sa Western Visayas si Labinghisa, na kumpiyansa sa kaniyang abilidad kahit walang sapatos na gamit sa kompetisyon.
"'Di ako nasanay gumamit ng spikes," saad niya.
Suportado naman ng coach na si Ariel Azucena ang desisyon ni Labinghisa.
"Kung saan siya kampante doon ako kasi tuwing nakikita kong tumatakbo ito, nakapaa talaga eh," ani coach.
Magpapatuloy ang Palarong Pambansa hanggang sa Sabado. —FRJ, GMA Integrated News