Kasado na ang sagupaan ng dalawang hari sa super bantamweight division na sina Marlon "Maranding Nightmare" Tapales ng Pilipinas at Naoya "the Monster" Inoue ng Japan.
Sa ulat ng GTV News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing tinanggap ni Inoue ang hamon ni Tapales na magharap sila para mapagsama-sama ang kanilang mga korona.
Si Tapales ang hari sa WBA at IBF world super bantamweight division matapos niyang matalo via split decision ang dating kampeon na si Murodjon Akhmadaliev, sa sagupaan nila nitong nakaraang April.
Samantala, si Inoue naman ang bagong hari ng WBC at WBO world super bantamweight division nang pabagsakin niya sa 8th round ang dating kampeon na si Stephen Fulton.
Nitong nakaraang Hunyo, pumayag ang World Boxing Association na labanan ni Tapales ang sinuman sa mananalo sa sagupaan nina Fulton at Inoue na ginawa nitong nakaraang July 25 sa Japan.
Matapos ang naturang laban nina Fulton at Inoue, pinaakyat sa ring si Tapales at idineklara ang gagawing paghaharap nila ng Japanese fighter ngayon taon, bagaman wala pang eksaktong petsa.
Sakaling manalo si Tapales laban kay Inoue, siya ang magiging kauna-unahang Pinoy na magiging undisputed champion sa boxing history na mapagsama-sama ang lahat ng titulo sa kaniyang debisyon.
Matatandaan na binakante ni Inoue, at iniwan ang napagsama-sama niyang WBC, WBA, WBO, at IBF world bantamweight belts bago umakyat sa super bantamweight division at sinagupa agad ang kampeon na si Fulton.
Nananatiling malinis ang rekord ni Inoue na wala pang talo, habang may 25 panalo at 21 rito ay via knockouts.
Samantala, taglay naman ni Tapales ang professional fight record na 37-3 na may 19 na knockouts.--FRJ, GMA Integrated News