Umakyat na sa 26 ang nasawi sa pagtaob ng pampasaherong bangkang de motor na MB Princess Aya sa Laguna de bay sa bahagi ng Binangonan, Rizal, habang patuloy ang isinasagawang retrieval operations ng Philippine Coast Guard (PCG) ngayong Biyernes.
"Dalawampu't anim na po ang kumpirmadong patay at 40 na po ang nakaligtas... Retrieval operations na po, sapagka't dun sa information na meron kami, wala na po dun sa surface at baka po na-trap na dun sa bangka," ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo sa panayam ng GMA News "Unang Balita."
"Meron pong mga underwater personnel na magka-conduct ng operations para ma-check po kung meron pang mga tao na na-trap dun sa ilalim ng bangka," patuloy niya.
Ayon kay Balilo, hindi pa rin malinaw kung ilang tao ang nasa lumubog na bangka na nangyari ang trahediya nitong Huwebes ng hapon.
"Maging 'yung kapitan (ng bangka) na kausap namin kahapon, siya mismo hindi niya malaman kung ilan pinasakay ng crew niya," ani Balilo.
"Sa ngayon po, tinatanong natin ang mga kamag-anak kung may nawawala pa," sabi pa ng opisyal.
Sa hiwalay na panayam ng Unang Balita, sinabi ni Rizal Governor Nina Ynares na 27 ang bilang nila ng mga nasawi.
Sinabi ng gobernadora na nakilala na ang mga biktima at nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa mga pamilya ng mga nasawi.
Pawang residente umano ng Rizal ang mga sakay ng bangka. Gayunman, hindi masabi ni Ynares kung ilan ang sakay ng bangka nang lumubog ito.
“I want to be responsible about giving numbers—until matapos ang retrieval operations,” paliwanag niya.
Patuloy pa umano ang imbestigasyon sa nangyaring trahedya.
“Ongoing ang investigation natin tungkol d’yan dahil nagbigay ang Philippine Coast Guard ng clearance para lumayag ang bangka at lumaot. But the investigation is still ongoing to know kung bakit nangyari ang mga bagay na ito… talagang tinitingnan namin to prevent once more what happened na hindi na maulit ito,” saad niya.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nasa kostudiya ng mga awtoridad ang kapitan ng bangka.
Aniya, hindi niya alam na overloaded ang bangka.
"Sana po mapatawad po nila ako sa trahedya po na nangyari, hindi ko naman po ginusto 'yun. Sana po mapatawad nila ako," pakiusap ni M/B Aya boat captain Donald Añain.
"Bigla po may sigwada ng hangin, unos po kung tawagin, hindi ko na po mapigilan yung pagtagilid ng bangka," paliwanag niya.
Sinisi niya rin ang kaniyang mga tauhan na nagpasakay ng maraming pasahero.
"Magpapa-manifest po ako 'nun, sabi ko po hindi ako magsasakay ng madami. Hindi ko po alam, habang naglalakad ako papuntang coast guard may sumasakay pa po ng sumasakay," paliwanag niya.
Una nang iniulat na pumunta sa kaliwang bahagi ng bangka ang mga pasahero nang magkaroon ng malakas na hangin. Dahilan ito para tumagilid ang bangka hanggang sa tumaob, sa layong 45 metro malapit na sa pantalan.
Sinabi ni Balilo sa panayam nitong Huwebes na nasa 60 katao lang ang kapasidad ng bangka.—FRJ, GMA Integrated News