Timbog ang isang lalaki sa isang hotel sa Cubao, Quezon City, dahil sa pagbebenta niya umano ng shabu at liquid shabu sa isang dating app.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si John Michael Chua, 34-anyos, na nadakip matapos niyang mabentahan ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakuha mula kay Chua ang mga sachet ng shabu at dalawang syringe na naglalaman umano ng liquid shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa P15,000.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na tinuturok ng mga parokyano na mga miyembro ng dating app ang liquid shabu.

Inamin ng suspek na nagsimula siyang magbenta ng droga sa dating app noong Marso.

“Alam ko naman na ‘yung ginagawa ko is mali. But I have no choice kasi doon nanggagaling ‘yung pambayad ko sa hotel, doon nanggagaling ‘yung pagkain ko rin, sa sarili ko,” sabi ng suspek.

Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News