Nagtagumpay ang Japanese boxer na si Naoya Inoue na agawin sa American fighter na si Stephen Fulton ang WBC at WBO world super bantamweight belt sa kanilang sagupaan sa Ariake Arena sa Tokyo, Japan nitong Martes.
Dahil sa kaniyang pagkapanalo, isa nang four-division world champion ang binansagang 'The Monster' na si Naoya, na pinatumba at pinaluhod sa ikawalong round si Fulton.
Noong nakaraang taon, naging kauna-unahang undisputed bantamweight champion sa Naoya nang mapagsama-sama niya ang lahat ng belt sa naturang debisyon nang talunin niya ang Briton na si Paul Butler.
Matapos na maipon ang WBC, WBA, WBO, at IBF bantamweight belt, binitiwan din ito ni Naoya para umakyat sa mas mabigat na timbang na super bantamweight kung saan hinamon niya si Fulton na hari sa WBC at WBO.
Naging agresibo si Naoya sa kabuuan ng laban hanggang sa abutin ng straight right si Fulton, na sinundan ng left hook na nagpabagsak sa American boxer.
Muling nakatayo si Fulton pero pinaulanan na siya ni Naoya ng mga kombinasyon na nagpaluhod sa kaniya, hanggang sa itigil na ng referee ang laban.
Lalo pang napaganda ni Naoya ang kaniyang fight record na 25-0 with 22 knockouts; habang nadungisan na ngayon ng isang talo ang marka ni Fulton na may 21 wins na may 8 knockouts.-- FRJ, GMA Integrated News