Tinanggap ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang courtesy resignations ng 18 matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na umano'y nauugnay sa kalakaran ng ilegal droga. Tatlong sa mga opisyal, may ranggong heneral.
Sa isang pahayag nitong Martes ng Presidential Communications Office (PCO), sinabing ang mga nagbitiw na PNP officials ay sina:
1. Police Brigadier General Remus Balingasa Medina
2. Police Brigadier General Randy Quines Peralta
3. Police Brigadier General Pablo Gacayan Labra II
4. Police Colonel Rogarth Bulalacao Campo
5. Police Colonel Rommel Javier Ochave
6. Police Colonel Rommel Allaga Velasco
7. Police Colonel Robin King Sarmiento
8. Police Colonel Fernando Reyes Ortega
9. Police Colonel Rex Ordoño Derilo
10. Police Colonel Julian Tesorero Olonan
11. Police Colonel Rolando Tapon Portera
12. Police Colonel Lawrence Bonifacio Cajipe
13. Police Colonel Dario Milagrosa Menor
14. Police Colonel Joel Kagayed Tampis
15. Police Colonel Michael Arcillas David
16. Police Colonel Igmedio Belonio Bernaldez
17. Police Colonel Rodolfo Calope Albotra Jr.
18. Police Colonel Marvin Barba Sanchez
Nang hingan ng komento tungkol sa pangyayari, sinabi ni Olonan sa GMA News Online na, "Life is unfair. God bless us.''
Hinihintay pa ng GMA News Online ang komento ng iba pang opisyal na nagbitiw.
Ayon sa PCO, tinanggap ni Marcos ang pagbibitiw ng mga opisyal batay na rin sa rekomendasyon ng National Police Commission Ad Hoc Advisory Group, na nagsagawa ng imbestigasyon tungkol sa mga matataas na opisyal ng PNP.
Sa isang sulat, ipinaalam ni PNP chief Benjamin Acorda Jr. kay Marcos na inirekomenda ng advisory group na huwag tanggapin ang pagbibitiw ng 935 senior officers, at tanggapin naman ang pagbibitiw ng 18 senior officers.
Sinabi rin ni Acorda na aalisin na sa kanilang puwesto ang mga opisyal na tinanggap na ang pagbibitw, at ilalagay sila sa Personnel Holding and Accounting Unit ng Directorate for Personnel and Records Management.
Sa ikalawang State of the Nation Address ni Marcos nitong Lunes, sinabi niya na tatanggapin niya ang pagbibitiw ng mga ''unscrupulous law enforcers and others involved in the highly nefarious drug trade.''
"In their stead, we will install individuals with unquestionable integrity, who will be effective and trustworthy in handling the task of eliminating this dreaded and corrosive social curse. We cannot tolerate corruption or incompetence in government," ayon kay Marcos.
Sinabi ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na ang tinutukoy ni Marcos ay ang isinagawang imbestigasyon at proseso na kaniyang sinimulan noong nakaraang Enero.
Patungkol ito sa ginawa niyang kahilingan sa mga PNP general at full colonels na magsumite ng kanilang courtesy resignations na bahagi ng proseso upang linisin sa kalakaran ng ilegal na droga ang kapulisan.
Matapos nito, isang five-man advisory group ang binuo para repasuhin ang ginawang pagbibitiw ng mga opisyal, at ipinadala sa National Police Commission (Napolcom) ang resulta para mapag-aralan din.
Ayon kay Abalos, matapos ang masusing imbestigasyon at pagsusuri ng PNP, inirekomenda na sa pangulo ang mga pangalan na tatangapin ang pagbibitiw.
“It only means one thing, na hindi ningas cogon ito, that the government, through the leadership of the President, is really serious about the house cleaning. Importante ito,” sabi ni Abalos sa GMA News Online.
“We are serious about eradicating this drug menace,” dagdag niya. — FRJ, GMA Integrated News