May panibagong pagtaas sa presyo ng gasolina sa Martes na aabot sa mahigit P1 bawat litro. Mas mababa naman ang madadagdag sa presyo ng diesel at kerosene.
Sa inilabas na magkakahiwalay ng abiso mula sa Chevron Philippines Inc. (Caltex), Flying V, Petron Corp., Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp., inihayag nila na aabot sa P1.35 per liter ang itataas sa presyo ng gasolina simula sa Martes.
Samantalang P0.45/L naman ang taas-presyo sa diesel, at P0.35/L sa kerosene.
Katulad na presyo rin ang inanunsyo ng Cleanfuel, Petro Gazz, Phoenix Petroleum Philippines Inc., PTT Philippines Corp., at Unioil Petroleum Philippines Inc. ang kanilang ipatutupad, maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang taas-presyo ng mga produktong petrolyo sa 6 a.m. ng Martes, July 25, sa lahat ng kompanya, maliban sa Cleanfuel na magsisimula ang price adjustment sa 4:01 p.m., at mas maaga naman sa Caltex na 12:01 a.m.
Noong nakaraang Martes, nadagdagan ng P1.90/L ang presyo ng gasolina, mas mataas naman sa diesel na P2.10, at P1.80 sa kerosene.
Unang inihayag ng Oil Industry Management Bureau ng Department of Energy (DOE), na inaasahan nila ang taas-presyo sa gasolina ngayong linggo, at posibleng bawas-presyo naman sa diesel.
Ang paggalaw sa presyuhan ng mga produktong petrolyo ay bunga umano ng production cuts ng Saudi Arabia at Russia, mas mahinang paglago ng ekonomiya ng Chinese, at paghihigpit ng US sa supply ng krudo.
Sa mahigit unang anim na buwan ng 2023, nakasaad sa datos ng DOE na umabot na sa P7.55 per liter ang kabuuang pagtaas sa presyo ng gasolina. Habang nagkaroon naman ng P0.85 per liter na tabas sa kabuuang presyo ng diesel at P3.70 per liter sa kerosene, hanggang nitong July 18, 2023. --FRJ, GMA Integrated News