Nahaharap sa reklamo ang dalawang mangingisda matapos nilang katayin ang nawawalang aso ng isang bisita sa resort sa Sariaya, Quezon.
Sa ulat ni Andrew Bernardo ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, na iniulat din sa 24 Oras Weekend, sinabing naka-check noon sa resort ang 63-anyos na babae mula sa Santa Cruz, Laguna nang mawala noong Hulyo 18 ang isa sa kaniyang mga aso.
Nag-alok ang babae ng pabuya para maibalik ang kaniyang aso, hanggang sa may isang concerned citizen ang nagpaalam sa kaanak ng babae na kinatay na pala ang kaniyang alaga ng dalawang lalaking mangingisda sa lugar.
Ayon sa police report, naabutan pa ng biktima ang kaniyang alaga na kinakatay sa mesa ng mga suspek na isang 51-anyos at isang alyas “Bunso.”
Kinondena ng Animal Kingdom Foundation ang pagkatay sa aso.
Nasa bilanggo na ang mangingisda habang patuloy na hinahanap si alyas Bunso. Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Animal Welfare Act na may parusang kulong ng dalawang taon at multang hanggang P100,000.
Handang magbigay ng tulong legal ang Animal Kingdom Foundation sa fur parent, at hinikayat nila ang mga barangay official na paigtingin ang pagbabantay at pagpapaalala sa mga residente na ilegal ang pagpatay at pagkain ng aso.
Sinisikap pa ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog na makuha ang pahayag ng may-ari ng pinatay na aso at mga suspek. — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News