Inaresto ang pitong prison officer sa Hong Kong na nasa edad 20s hanggang 30s dahil sa alegasyon ng panghahalay sa isang babae na nakasama nila sa isang party.
Sa ulat ng Reuters, sinabi ng Correctional Services Department sa isang pahayag na hindi nila kukunsintihin ang kanilang mga tauhan na kanila nang sinunspinde kung mapapatunayang nagkasala.
Ayon sa mga awtoridad, nakatanggap sila ng sumbong noong July 9 mula sa isang 31-anyos na babae na ginahasa siya.
Nangyari umano ang krimen isang unit sa Tsim Sha Tsui district na pinagdausan ng party na inimbitahan ang biktima.
Matapos ang imbestigasyon, dinakip ng mga pulis ang pitong lalaki na nasa edad mula 23 hanggang 38.
Sa ulat ng South China Morning Post, nakasaad na tatlo sa mga suspek ang hinihinalang gumahasa sa biktima, habang nanonood at gumagawa rin ng kahalayan ang apat na iba pa.
Sinabi umano ng biktima sa mga pulis na nawalan na siya ng malay dahil sa kalasingan bago pa mangyari ang panghahalay.
Nang magising sa sumunod na araw, mag-isa na lang umano ang biktima sa unit at walang saplot.
Hindi umano tumugon ang mga awtoridad nang hingan ng pahayag, ayon sa ulat.— Reuters/FRJ, GMA Integrated News