Hindi pa rin pinaglaro ng Orlando Magic ang Pinoy center na si Kai Sotto sa kanilang laban kontra New York Knicks sa 2023 NBA Summer League nitong Huwebes (Manila time) sa Thomas and Mack Center sa Las Vegas.
Sa naturang laban, talo na naman ang Magic laban sa Knicks sa overtime sa iskor na 82-80.
Gaya nang naunang dalawang laro ng Magic, nakalista pa rin si Sotto na DNP (Did Not Play-Coach's Decision).
Sa naturang dalawang laban na 'di rin ginamit si Sotto, talo rin ang Orlando laban sa Indiana Pacers at Detroit Pistons.
Sa Biyernes, makakaharap naman ng Magic ang Portland Trail Blazers.
Kahit hindi pa nakakapaglaro sa 2023 NBA Summer League, sinabi ng 7-foot-3 center na si Sotto sa isang panayam na nai-enjoy niya ang karanasan sa proseso.
"It's pretty good so far. [I've] been enjoying the process," saad ng binata. "We started training in Orlando and then now in Vegas so it's been fun. [I'm] surrounded by really good guys and coaches. It's been a fun experience so far."
Target ni Sotto na maging kauna-unahang homegrown Filipino cager na makapaglaro sa NBA. --FRJ, GMA Integrated News