Arestado ang isang lalaki matapos siyang magpaputok ng baril sa isang manpower agency sa Maynila.
Nagawa raw ito ng suspek dahil gusto umano niyang pigilan ang pag-aabroad ng kanyang nobya, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Sa kuha ng CCTV na ibinahagi ng Ermita Police, makikita ang isang lalaki na nakatayo at naghihintay sa isang gusali. Tinitingnan niya ang laman ng envelope na hawak niya.
Sa susunod na kuha ng CCTV ay nakitang nagmamadaling tumatakbo papalayo ang suspek.
Napag-alaman ng mga awtoridad na baril pala ang laman ng nasabing envelope at pinaputok niya ito sa opisina ng manpower agency kung saan nag-aapply ang kanyang nobya.
"Nagselos siya at mag-a-abroad na itong babae. Ayaw niyang payagan," ani Police Lieutenant Colonel Gilbert Cruz, commander ng Ermita Police Station.
"Ang ginawa ng babae, lumabas. Akala niya [suspek], pupunta doon sa kabila... may opisina itong agency natin. Pero meron hagdan doon na pababa," dagdag niya.
"Nagalit siya. Pinupuwersa niya 'yung pinto na bumukas. Tinutulak ngayon ito ng mga nasa pinto roon. Nagkaroon na sila ng commotion. Nagpaputok siya ngayon doon sa may siwang ng pinto," ani Cruz.
Wala namang nasaktan sa insidente ngunit nagdulot ito ng kaguluhan at pangamba sa lugar.
Sa follow-up operation sa Mabini ay naaresto ang suspek.
Narekober sa kanya ang isang kalibre-.38 na baril at bala.
Ayon sa pulisya, may mga banta na ang suspek sa kanyang nobya.
Kuwento ni Cruz, "sinasabihan siya [nobya] through text na pagka umalis ka sa poder mo, parang may mangyayaring masama sa 'yo. Talagang 'yung obsession niya, du'n sa babae."
Ayon naman sa suspek, gusto lang niyang makausap ang kanyang nobya.
Naipit daw ang braso niya kaya binunot niya ang baril para magbigay ng warning shot. Wala raw siyang intensiyong manakit.
"We are having issues, issues sa buhay... Parang 'di ko na masyado... Masyadong problemado," ani suspek.
Patong-patong na reklamo ang haharapin ng suspek, ayon sa pulisya.
Pinag-aaralan din ng pulisya na bigyan ng counseling ang suspek. —KG, GMA Integrated News