Nabisto ng mga awtoridad sa Quezon City ang isang taktika sa kalakaran ng ilegal na droga nang iwan sa loob ng inidoro ng isang kainan ang shabu at kukunin naman ng ibang tao para dalhin sa ibang lugar.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing naghinala ang security guard ng isang kainan sa Talipapa, Quezon City nang mapansin niya ang suspek na si Ariel Dagsindal, 49-anyos, mula sa Paete, Laguna, na labas-pasok sa palikuran.
Nag-report umano ang sekyu sa pulisya at mabilis namang rumesponde ang mga awtoridad at inabutan sa loob ng palikuran si Dagsindal.
Nang buksan ang palikuran, nakita ang suspek na may hawak na pakete na nakabalot na naglalaman ng kalahating kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Mark Janis Ballesteros, Talipapa Police Commander, nakalagay sa flush tank ng inidoro ang shabu.
"Ang ginawa nila, may contact sila, bale iyon kasing nahuli natin is inutusan ng allegedly ng amo niya na kunin doon iyong drugs," anang opisyal.
"Iyon pong nag-iwan doon, hindi na namin naabutan," dagdag niya.
Napag-alaman na dati nang nakulong si Dagsindal sa kasong pagpatay. Dumayo lang umano sa Quezon City ang suspek para para kunin at i-deliver ang ilegal na droga.
Tumanggi siyang magbigay ng pahayag.
Patuloy naman na inaalam ng mga awtoridad kung sino ang amo ng suspek, at kung sino ang nag-iwan ng droga sa inidoro.--FRJ, GMA Integrated News