Inaresto ng Makati City Police si Awra Briguela matapos masangkot umano sa gulo sa labas ng The Bolthole Bar sa Poblacion nitong Huwebes.
Batay sa ulat ng pulisya, nasangkot si Briguela, 19, at pitong iba pa sa away kasama ang isa pang customer sa bar bandang 5 a.m.
Complainant sina Mark Christian Ravana, 23, at Angelo Nino Gulmatico, 33, isang bouncer sa bar.
Ayon pa sa ulat, sinabi ni Ravana na nagdiriwang siya sa bar kasama ang kaniyang mga kaibigan nang lapitan sila nina Awra at ilang mga kaibigan nito at tinukso umano siyang hubarin ang kaniyang damit.
Tinanggihan ni Ravana ang hiling at sinubukang dumistansya sa pamamagitan ng paglabas sa bar, ngunit sinundan umano siya ni Awra at hinila ang kaniyang damit.
Dahil dito, nagkaroon na ng kaguluhan at sinabi ni Ravana na nagsalitan sina Awra at ang kaniyang mga kaibigan sa pagmaltrato umano sa kaniya.
Nirespondehan ng pulisya mula sa Poblacion Substation ang insidente at sinubukang pakalmahin si Awra, ngunit sumigaw ito at saka tinulak ang isang pulis.
Inaakusahan si Awra ng physical injuries, alarm and scandal, disobedience to person in authority at direct assault.
Dinala si Awra sa police substation para sa case referral at kalaunan sa Ospital ng Makati para sa mandatory examination.
Samantala, ipinagtanggol naman siya ng kaniyang mga kaibigan sa social media matapos ang nangyari, gaya ng vlogger na si Riva Quenery.
Sa isang post sa Instagram Huwebes ng gabi, sinabi ni Riva na nakatanggap siya ng tawag mula kay Awra umaga kasunod ng pagka-aresto nito.
"Kaninang umaga, tumawag siya at nalaman kong inaresto siya sa Makati dahil sa isang kaguluhan na nangyari. Dinalaw ko siya sa police station sa Makati kung saan siya na-detain at biglang bumagsak ang balikat ko nu’ng nakita ko siya," saad ni Riva.
"Kinwento nya sakin ang sinapit nya matapos nyang ipagtanggol ang kaibigan nya laban sa grupo ng mga lalaking hinipuan ang kanyang kaibigan. Nauwi sa mainit na pagtatalo yung mga sumunod na nangyari na kung saan sinuntok sya ng nasabing lalaki. Nasundan na ng away sa magkabilang grupo hanggang sa dumating na yung mga pulis," pagpapatuloy ni Riva.
Sinubukan na ng GMA Integrated News na hingian ng pahayag si Awra at ang kaniyang mga abogado, ngunit tumangging magbigay ng kanilang panig. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News