Nasawi ang isang 17-anyos na driver na hindi huminto nang sitahin sa kalsada, matapos siyang barilin ng mga pulis sa Nanterre, France.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, makikita sa isang video na kinakausap ng dalawang pulis ang driver, kung saan may hawak na baril ang isa sa kanila at nakatutok ito sa binatilyo.

Ilang saglit pa, umandar ang kotse kaya nagpaputok ng baril ang pulis sa direksyon ng driver.

Sa isa namang video, makikita ang sasakyan na sumalpok sa tabi ng kalsada.

Sinabi ng local prosecutor na nasawi kalaunan ang binatilyo matapos hindi umano sumunod nang sabihang itabi ang kaniyang sasakyan.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon sa pulis na bumaril umano sa binatilyo, samantalang wala pang inilalabas na pahayag ang Paris Police sa insidente. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News