Arestado ang isang construction worker sa Barangay Apolonio Samson sa Quezon City nitong Linggo matapos umanong maglabas ng baril habang lasing, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes.
Naalarma raw ang mga residente sa lugar kaya ni-report nila ang lalaki sa mga pulis.
"Naaktuhan natin ito (suspek) na dala-dala 'yung baril habang nagsasayaw at lasing na lasing," ani Police Captain Ronaldo Ambatang, chief intel ng Quezon City Police District Station 1.
Ayon sa suspek na si Joseph Valenzuela, 35 anyos, hindi sa kaniya ang baril na napag-alaman pang walang lisensiya.
"Nakita ko lang po sa kasama ko ['ýung baril]," sabi ni Valenzuela na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ito na raw ang ikatlong pagkakataon na makukulong ang suspek. Ayon sa pulisya, dati na itong nakulong dahil sa pagnanakaw at iligal na droga. —KBK, GMA Integrated News