Dahil sa mga rumorondang pulis, timbog ang isang rider na nangholdap umano ng babae sa Taguig.
Ayon sa ulat ni Nico Waje sa "24 Oras Weekend" ngayong Linggo, pauwi na ang biktima nang holdapin siya ng suspek at ng kasama nitong angkas sa motorsiklo. Nakuha ang kanyang bag na may pera at cellphone.
"Papunta po ako ng sakayan...Tapos po bigla pong huminto 'yung motor po tapos tinutukan po ako ng baril. Tapos sumisigaw po ako, humihingi ng tulong...sobra po 'yung takot ko," kuwento ng biktima.
Sakto naman na may nagpa-patrolya noon na mga pulis. Hinabol nila ang suspek na si John Brix Quijada at naabutan siya sa C5 Fort Bonifacio pasado alas nuwebe kagabi.
"Nandoon 'yung tropa 'yung kasama natin. Hinabol nila ngayon. Natumba. Natumba yung ating suspek naipit yung isa. Kaya hindi siya nakatakbo," ani Police Captain Kent Talastas ng Fort Bonifacio Police Station.
Nakatakas ang kasamahan ni Quijada na si alyas "Mark," na ayon sa Fort Bonifacio police ay nakasuot ng delivery rider uniform.
Umamin sa panghoholdap si Quijada. "Totoo po 'yon...Dala lang po ng pangangailangan," sabi niya.
Narekober sa suspek ang ninakaw na bag at ang baril na ginamit sa panghoholdap.
Sa record ng pulisya, dati nang may kaso si Quijada kaugnay sa ilegal na droga at kalalaya lang nitong Enero. — BM, GMA Integrated News