Isang oil tanker ang sumabit sa ilalim ng footbridge sa EDSA-Quezon Avenue sa Quezon City nitong Sabado ng madaling araw.

Nangyari ang insidente bandang ala-una ng madaling araw, ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB.

 

 

Ayon sa driver ng tanker, galing siya sa Batangas at pauwi na sana sa garahe ng kanilang kompanya sa Montalban, Rizal.

Para umiwas sa traffic ay ginamit niya ang service road na nasa ilalim ng flyover at footbridge, subalit sumabit na ang oil tanker na kanyang minamaneho, aniya. 

Hindi raw niya natantiya ang taas ng footbridge nang paliko na siya mula Quezon Avenue patungong Quezon Memorial Circle, dagdag niya, ayon sa GMA Integrated News Bulletin.

Ayon sa signage na nakakabit sa footbridge, may vertical clearance na 3.3 meters ito.

 

 

 

May kargang kemikal ang tanker na ginagamit sa paggawa ng liquefied petroleum gas (LPG).

 

 

Agad rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Metropolitan Manila Development Authority.

Pansamantalang isinara muna sa mga motorista ang EDSA-Quezon Avenue dahil sa pagsingaw ng kemikal mula sa truck.

 

 

Hindi na rin pinadaanan sa mga pedestrian ang footbridge matapos makitaan ng sira.

 

 

 

Naialis din ang oil tanker bago mag-alas sais ng umaga.

Ang mga tauhan naman ng BFP ay nanatili sa lugar upang siguraduhing hindi magdudulot ng sakuna ang pagsingaw ng LPG.

Samantala, binuksan na sa mga motorista ang EDSA-Quezon Avenue bago mag-alas otso ng umaga.

Iimbestigahan naman ng mga awtoridad kung may pananagutan ang driver ng tanker. —KG, GMA Integrated News